Kapitan, 4 pang binihag ng NPA rebels laya na
MANILA, Philippines - Pinalaya na ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang lima katao kabilang ang apat na kandidato na binihag ilang araw bago ang idinaos na Brgy. elections noong Oktubre 28, isa rito ay nagwaging Brgy. Chairman sa Loreto, Agusan del Sur, ayon sa opisyal kahapon.
Sa phone interview, kinumpirma ni AFP Eastern Mindanao Command Spokesman Captain Alberto Caber na pinakawalan na nitong Biyernes dakong alas-4:30 ng hapon sa Sitio Cabiga-Biga, Brgy. Datu Davao, Laak, Compostela Valley ang mga bihag na sina Lito Andalique, nanalong Brgy. Chairman , mga kumandidatong Brgy. Kagawad na sina Marvin Bantuasan, Crisanto Piodos at Balaba Andalique.
Ang isa pa ay ang escort at dati nang mga kasamahang CAFGU (Citizen’s Armed Forces Geographical Unit ) na si Pepe Subla. Sinabi ni Caber na mga dating CAFGU sina Andalique pero ng kumandidato ang mga ito ay awtomatikong tinanggal na sa talaan.
Sinabi ni Caber na ang mga bihag na una ng idineklarang Prisoners of War (POWs) ng NPA ay pinawalan matapos ang 30 araw na pagkakabihag. Ang mga ito ay dinukot ng mga rebeldeng NPA sa Brgy. Sabud, Loreto, Agusan del Sur noong Oktubre 24.
Nabatid sa opisyal na malaki rin ang naitulong ng binuong Crisis Management Committee sa pamumuno ng mga lokal na opisyal ng Agusan del Sur sa paglaya ng mga bihag.
- Latest