NPA camp nakubkob sa air strike operations
MANILA, Philippines - Matagumpay na nakubkob ng mga elemento ng militar at ng pulisya ang isang malaking kampo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos ang air strike operations sa Brgy. Aguid, Sagada, Mountain Province kamakalawa.
Ayon kay Chief Supt. Benjamin Magalong, Cordillera Police Director, ang nakubkob na kampo ng mga rebelde ay nagsisilbing ‘staging area’ ng mga ito sa pag-atake laban sa mga pulis at sundalo, imbakan ng Improvised Explosive Device (IED) at iba pang mga armas.
Bandang alas-10:30 ng umaga nang magsimulang magbagsak ng bomba ang combat plane ng Philippine Air Force na sinusuportahan ng ground troops ng pulisya at militar sa natukoy na kampo ng mga rebelde.
Ang air strike operations ay isinagawa matapos naman ang serye ng pananambang ng mga rebeldeng NPA sa mga police trainee sa Tadian, Mt. Province at PNP Special Action Force sa Cagayan na ikinasugat ng ilang pulis nitong nakalipas na mga buwan. Bago ito ay nasugatan naman sa assault operation ang dalawang pulis na sina PO1 Primo Marcelo at PO1 Romel Sagot.
Inihayag pa ni Magalong na sa nasabing kampo rin nagsasagawa ng pagsasanay ang mga rebelde at dito rin pinaplano ang pagatake laban sa tropang gobyerno.
Nasamsam naman sa kuta ng mga rebelde ang mga personal na kagamitan, mga pampasabog at iba pa.
- Latest