Chipeco, nagdeklara ng giyera vs krimen
LAGUNA, Philippines - Nagdeklara ng all-out-war si Calamba City Mayor Justice Marc Chipeco laban sa kriminalidad na pumiperwisyo sa pamumuhay ng taumbayan sa nasabing lungsod.
Inihayag ni Mayor Chipeco ang deklarasyon matapos makipagpulong sa Calamba PNP kasabay ng pagdiriwang ng kanyang unang buwan sa puwesto bilang alkalde.
Kasunod nito, iprinisinta naman ni Chipeco sa mga mamamahayag ang 10-suspek sa pagnanakaw ng mga sasakyan at drug pushers na naaresto ng pulisa sa magkakahiwalay na operasyon noong Hulyo 2013.
Bukod sa bawal na droga ay puspusan din ang kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa mga iligal na pasugalan partikular na ang mga video-karera na ang ilan ay winasak sa harap ng mga mamamahayag.
Inatasan naman ni Mayor Chipeco si P/Supt. Jose Saro, hepe ng Calamba PNP, na maglatag ng karagdagang checkpoint at police visibility sa mga lugar na madalas maganap ang krimen.
Umapela rin si Chipeco sa mga residente na huwag mag-atubiling ipaalam sa kanyang tanggapan ang mga iligal na aktibidad sa kanilang komunidad upang matugunan sa pakikipagtulungan ng city government at Calamba PNP.
Sinabi pa ni Chipeco na hindi siya papayag na maghari ang mga kriminal sa harap ng patuloy na pag-unlad ng Calamba City bilang isa sa mga pangunahing sentro ng negosyo at kalakal sa buong Calabarzon area.
Base sa tala, si Chipeco ay naging kinatawan ng lone congressional district sa Calamba City sa loob ng siyam na taon bago mahalal na alkalde
- Latest