Industriya ng turismo apektado… Norwegian tourist ni-rape sa cafeteria
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Nagdulot ng kahihiyan sa turismo ng bansa ang sinasabing kamanyakan ng 22-anyos na waiter sa hotel resort matapos nitong halayin ang 15-anyos na Norwegian tourist sa bayan ng Currimao, Ilocos Norte noong nakalipas na linggo.
Sinampahan na ng kasong panghahalay ang suspek na si Edward Javier na kusang nagpasailalim sa kostudiya ng pulisya sa pamumuno ni P/Chief Insp. Ryan Retotar.

Base sa police report, inakusahan ng biktima si Javier na ginahasa siya sa loob ng cafeteria ng hotel ng gabing una silang nagkakilala.

Hindi sapat na sabihin ng suspek na nobya niya ang biktima at kusa itong nagparaya dahil labag pa rin sa batas ang pakikipagtalik sa isang menor-de-edad sa ilalim ng RA 7610.

Dahil dito tinanggal na sa trabaho ng management ng Playa Tropical Resort si Javier dulot ng labis na kahihiyan sa nangyari.
Napag-alaman na lumipat ng tinutuluyang hotel ang pamilya ng biktima sa labis na pagkamuhi sa nasabing establisimiyento.

Nagpahayag naman ng pagkabahala si Governor Imee Marcos sa naganap na insidente at sinabing nangangamba ito na maaring makaapekto ang reklamo ng dalagitang Norwegian sa industriya ng turismo sa nasabing lalawigan.
- Latest