Bahay ng mayoralty bet, binomba
MANILA, Philippines - Pinasabog ang bahay ni mayoralty bet Akmad Ampatuan na isa sa mga suspek sa Maguindanao massacre sa kapitolyo ng Shariff Aguak, Maguindanao noong Huwebes ng gabi.
Sa phone interview, sinabi ni P/Chief Insp. Marlo Silvestre, niyanig ng malakas na pagsabog ang compound ng tahanan ni dating Datu Salibo Mayor Akmad Ampatuan sa Poblacion.
Tinatayang nasa 20 armadong lalaki ang nagpaulan ng 40mm at 5.56 mm na bala ng M203 at M79 grenade launcher sa compound ng bahay ni Ampatuan.
Wala namang nasugatan sa pagsabog dahil walang tao sa bahay ni Akmad na nagtago sa batas simula ng madawit ito sa Maguindanao massacre na kinasangkutan ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan.
Bagama’t wanted sa batas si Akmad ay muli itong tumakbo sa mayoralty race ng kanilang bayan na ikinakampanya ng mga supporter.
Si Akmad ay isa sa mga tinutugis na wanted sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009.
Paghihiganti mula sa panig ng mga kaalyado ng mga biktima ng Maguindano massacre ang pangunahing motibo.
Hindi ito ang unang pagkakataon na pinasabog ang tahanan ni Akmad na ang una ay noong Marso 2013.
- Latest