Wallet nahulog sa barko, engineer todas
MANILA, Philippines - Naging mitsa ng buhay ng isang 22 anyos na apprentice engineer ang P 300 na laman ng wallet na nahulog sa isang barko matapos itong tumalon sa dagat sa Brgy. Tayud, Consolacion, Cebu , ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Ariel Montebon, isang apprentice engineer sa Lady of Prosperity, cargo ship.
Sa ulat ng Cebu Police, naganap ang insidente sa karagatan ng Brgy. Tayud, Consolacion bandang alas-7:30 ng gabi noong Huwebes. Ang bangkay ng biktima ay narekober ng search and retrieval team ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa dagat bandang alas-6:30 ng gabi nitong Biyernes.
Ayon sa imbestigasyon, hawak ni Randy Casquite, 21, isa ring apprentice engineer ang nasabing wallet na naglalaman ng P300 na pag-aari ng cook sa barko ng aksidente itong mabitawan at mahulog sa dagat.
Dali-dali namang tumalon sa barko si Montebon upang marekober ang wallet pero nabigo na itong makaahon na humantong sa kaniyang kamatayan.
Nabatid na ang barkong sinasakyan ng mga biktima ay nakadaong sa Sandoval Shipyard malapit sa Cansaga Bay Bridge.
- Latest