Police Sr. Inspector nagbaril sa sarili, kritikal
MANILA, Philippines - Agaw buhay ngayon ang isang junior officer ng pulisya matapos itong magbaril sa sarili na ikinasugat rin ng kaniyang misis sa Brgy. Pasobolong, Zamboanga City kamakalawa. Kinilala ang nasabing opisyal na si Sr. Inspector Armand Terrania, nakatalagang Deputy Station Commander sa Divisoria Police Station 5 sa lungsod ng Zamboanga. Ang biktima ay kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan sa isang hospital sa lungsod bunga ng tinamo nitong isang tama ng bala sa ulo habang nadaplisan naman sa paa ang kaniyang misis. Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng umaga nitong Biyernes habang si Terrania at ang misis nitong isa ring pulis ay naghahanda na para pumasok sa kanilang duty sa himpilan. Niyaya umano ng biktima ang kaniyang misis na pumasok muna sila sa kanilang kuwarto kung saan niyakap nito ang kaniyang maybahay saka bigla na lamang nagbaril sa ulo na ikinagulantang ng ginang.Problema naman sa pamilya ang tinitingnan ng pulisya sa pagtatangka ng biktima na kitilin ang kaniyang sariling buhay.
- Latest