1 patay, 17 sugatan sa 2-pagsabog
MANILA, Philippines - Dalawang magkakasunod na pagsabog ang yumanig kahapon sa mga bayan ng Datu Saudi Ampatuan at Datu Unsay, Maguindanao kung saan isa ang nasawi habang 17 naman ang nasugatan.
Ayon kay Col. Prudencio Asto, spokesman ng Army’s 6th Infantry Division, naitala ang unang pagsabog bandang alas-8:15 ng umaga sa highway ng Barangay Lower Salvo sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan kung saan kabilang sa mga nasugatan ay sina Mohaiden Animbang alyas Commander Karialan ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement; Dr. Muhammad Ali Tambako, Victor Haron at iba pa.
Nabatid na ang grupo ni Commander Karialan ay patungo sa Kanduli Thanksgiving ceremony sa Brgy. Iginampong sa bayan ng Shariff Aguak.
Sa ulat naman ni P/Senior Supt. Jaime Pido, Maguindanao PNP director, naganap ang ikalawang pagsabog sa bahagi ng Brgy. Iginampong sa Datu Unsay kung saan anim na sibilyan ang nasugatan.
Magugunita na noong Sabado ay niyanig din ng pagsabog ang bahay ng isang opisyal ng ARMM sa Zenaida, Subdivision sa Cotabato City.
- Latest