Lending firm binomba: 8 sugatan
MANILA, Philippines - Walo-katao kabilang ang dalawang pulis ang nasugatan makaraang sumabog ang inihagis na granada sa isang money lending firm sa Recto Avenue, Barangay Lapasan sa Cagayan de Oro City kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga nasugatan na isinugod sa Capitol University Medical Center at Northern Mindanao Regional Medical Center ay sina SPO2 Ronelio Mendiola ng PNP station 8; ret. SPO2 Rogelio Cabutad, guwardiya sa lending firm; Jay-R Palma, Danny Ragnag, Varceliza Salamanca, kawani ng lending firm; Fritzie Pios, Roderick Cadevit, at si Fernando Viernes.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Gerardo Rosales, hepe ng Cagayan de Oro City PNP na isinumite sa Camp Crame naganap ang pagsabog sa harapan ng Golden Sun Finance Corp. kung saan inaalam kung may kinalaman sa pyramiding scam na Aman Futures Group sa rehiyon ng Mindanao ang pagpapasabog bagaman wala pa itong basehan sa kasalukuyan.
Nabatid sa ulat na sinasabing maraming nangutang sa nasabing lending firm na sinampahan ng kaso matapos na mabigong magbayad ay posible umanong ini-invest sa pyramiding scam sa Pagadian City at Rasuman group naman sa Marawi City, Lanao del Sur.
Napag-alamang binubuksan ang pintuan ng lending firm ng guwardiya katuwang ang dalawang kawani ng biglang sumambulat kung saan ginamitan ng booby trap na kapag binuksan ang pinto ay mahihila ang tali sa safety pin ng granada.
- Latest