MANILA, Philippines - Tatlo-katao kabilang ang batang lalaki ang iniulat na nasawi habang sampung iba pa ang nasugatan makaraang suwagin ng truck ang ilang kabahayan sa gilid ng highway sa Barangay Upper Puerto, Cagayan de Oro City kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga namatay ay ang mag-amang Mario Bahe at John Lord Bahe, 5; at si Mario Aluya na sinasabing naipit sa loob ng kabahayang matapos suwagin ng forward cargo truck.
Isinugod naman sa ospital ang mga sugatang sina Jayson Seroy, Adonis Anoos, Antonio Rosario, Marvin Canedo, Elena Jane Canedo, at ang dalawang buntis na si Geraldine Canedo at Merlyn Canedo na kapwa nasa kritikal na kalagayan.
Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, may kargang tone-toneladang bato ang truck (YCM 801 ) na minamaneho ni Ponciano Manipis nang mawalan ito ng preno kaya tuluy-tuloy na sinuyod ang ilang magkakatabing kabahayan sa tabi ng Maharlika Highway.
Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to 3 counts of homicide, multiple physical injuries at damage to property ang driver ng truck.