2 GRO pisak sa killer truck

ILAGAN CITY, Philippines – Masaklap na kamatayan ang sinapit ng dalawang guest relation officers makaraang tumilapon mula sa motorsiklong sinalpok ng isa pang motorsiklo sa highway sa Barangay Dagupan, San Mateo, Isabela noong Linggo.

Kinilala ni P/Supt. Vicente Valdez, hepe ng Isabela PNP investigator, ang dalawang nasawi na sina Natasha Mae Manuat, 20, ng Cainta, Rizal; at Mylene Abong, 20, ng Pamplona, Las Piñas City.

Sinasabing nakisakay ang mga biktima sa ka­ni­lang mga customer na sina Joel Agustin ng Barangay Bagong Sikat, San Mateo; at Oscar Mariano ng bayan ng San Isidro, Isabela.

Lumilitaw na backrider ni Mariano si Abong at si Ma­nuat naman ay nakaangkas sa motorsiklo ni Agustin kasama ang pinsan nitong si Michael Bartolome.

Gayon pa man, nagkarera ang dalawang motorsiklo sa highway hanggang mawalan ng kontrol si Agustin kung saan sinalpok ang motorsiklo ni Mariano.

Sa lakas ng impact ay tumilapon ang dalawang biktima at pagbagsak sa sementadong highway ay nasagasaan naman ng trak na minamaneho ni Joenifer Calaor ng Plaridel, Bulacan.

Naisugod naman sa ospital sina Agustin at Mariano habang si Bartolome ay nasa malubhang  kalagayan.

Show comments