7-anyos nahulog mula sa 6th floor ng hotel
MANILA, Philippines - Mistulang iniligtas ng kaniyang anghel de la guwardiya ang 7-anyos na batang lalaki makaraan itong milagrong nabuhay nang aksidenteng mahulog mula sa ikaanim na palapag ng hotel sa Zamboanga City, kahapon ng hapon.
Idineklarang nasa ligtas na kalagayan na nagtamo lamang ng mga galos at mababaw na sugat sa kaniyang ulo ang biktimang si Vince Jumdail na isinugod sa pribadong hospital.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente bandang alas- 3 ng hapon sa isang hotel sa kahabaan ng Mayor Jaldon Street sa downtown.
Lumilitaw na pansamantalang iniwan ng kanilang ina ang bata at 3-anyos nitong kapatid na babae habang naglalaro dahil sa may aasikasuhin lang ito sa ibaba.
Gayon pa man, naglaro ang bata sa balcony kaya nahulog ito mula sa ikaanim na palapag ng gusali.
Masuwerte namang sumabit sa kable ng communications lines at ng kuryente sa ibabang bahagi ng hotel ang bata kaya hindi nadurog ang katawan nito kung saan tanging galos at bahagyang sugat sa ulo ang tinamo nito bago bumagsak sa ground floor.
Ayon pa sa pulisya, mabuti na lamang at hindi live wire ang sinabitan ng malikot na bata na posibleng tumusta sa katawan nito.
Kaugnay nito, sinagot naman ng pamunuan ng hotel ang gastusin sa ospital ng nasabing bata. Joy Cantos
- Latest
- Trending