BATAAN, Philippines – Kalaboso ang limang kalalakihan na sinasabing miyembro ng Taguro RobberyHoldap Gang na nag-ooperate sa Central Luzon at Kalakhang Maynila makaraang maaresto ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group, pulis-Dinalupihan at Provincial Intelligence and Instigation Branch sa inilatag na checkpoint sa Brgy. Sta. Isabel sa bayan ng Dinalupihan, Bataan kahapon.
Kinilala ni P/Supt. Alfreda dela Roca, hepe ng Dinalupihan PNP ang mga suspek na sina Roam Puerto, 30, security guard ng L and G Security Agency, ng #925 Pasaje Galvan Street, Leon Guinto, Manila; Antonio Toribio, 35, ng # 268 Brgy. Mayamot, Antipolo City, Rizal; Angelito Geronimo ng Barangay Sto. Niño, Macabebe, Pampanga; Jerry Tolentino, 48, ng #98 Cathlea Street, Pasong Tamo, Quezon City; at si Richard Morales, 23, lider ng Taguro Robbery Holdap Gang, ng Brgy. San Jose, Balanga City, Bataan.
Ang mga suspek na sinasabing tangkang biktimahin ang isang negosyante sa bayan ng Dinalupihan ay nasilat matapos maitimbre sa pulisya ang kanilang modus operandi.
Nasamsam sa mga suspek ang cal. 38 revolver, dalawang granada, cal. 9mm Uzi, limang cellphone, pulang kotseng Sedan (TSG 890) at motorsiklo (PI 7825).