Sanggol, 3 pa dedo sa road mishap

MANILA, Philippines - Apat na miyembro ng isang pamilya kabilang ang isang 2 buwang sanggol na babae ang nasawi makaraang suwagin ng humahagibis na van ang sinasakyan ng mga itong motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa bayan ng Pilar, Capiz kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., Police Regional Office (PRO) VI Director ang mga nasawing biktima na sina Ruby Villa, 27, driver ng motorsiklo, misis nitong si Ronilyn Villa, 27; 2 buwang sanggol na anak na si Robelyn at biyenang babae na si Nely Baclas, 44-anyos.

Sinabi ni Cruz na ang tatlong biktima ay dead-on-the-spot sa insidente habang binawian naman ng buhay sa pagamutan si Ruby. Isinugod naman sa pagamutan ang driver ng L 300 van na si Rafil Dador, 27 ng Balasan, Iloilo.

Sa imbestigasyon, bandang alas-4 ng hapon ng mabangga ng L300 van (FVS 258 ) ang motorsiklong sinasakyan ng pamilya ni Villa sa kahabaan ng national highway ng Sitio Libas, Brgy. Esteban sa bayan ng Pilar.

Sa bilis ng pangyayari ay nabigo ang driver ng van na iwasan ang nasabing motorsiklo na bumulaga sa harapan nito. Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property ang driver ng van.

Show comments