MANILA, Philippines - Limang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at dalawang sundalo ang napaslang habang tatlo pa sa tropa ng pamahalaan ang nasugatan sa sumiklab na engkuwentro na nagresulta rin sa pagkakakubkob ng kampo ng komunistang grupo sa Bulusan, Sorsogon kamakalawa.
Sa ulat ni Army’s 9th Infantry Division (ID) Spokesman Major Angelo Guzman, dakong alas-10 ng umaga ng matisod ng 31st Infantry Battalion ang isang malaking kampo ng NPA rebels sa Brgy. San Isidro ng bayang ito.
Agad nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig na tumagal ng may 20 minuto na ikinasawi ng limang rebelde.
Sinabi ni Toribio na tinatayang nasa 45 rebelde na pawang armado ng mga malalakas na kalibre ng armas kabilang ang dalawang M60 machine guns, 2 squad automatic rifle.
Sa panig ng mga sundalo, dalawa ang nasawi, habang tatlo naman ang nasugatan kabilang ang isang nasa kritikal na kondisyon .
Pansamantala namang hindi muna tinukoy ang mga pangalan ng mga nasawing sundalo dahilan kailangan pang impormahan ang pamilya nito.
Sa isinagawang clearing operations ay narekober rin ang mga landmine sa nasabing nakubkob na kampo ng mga rebelde.