Truck bumaligtad: 25 kataong makikipaglibing, sugatan
MANILA, Philippines - Dalawampu’t lima katao na makikipaglibing ang nasugatan makaraang aksidenteng bumaligtad ang sinasakyan ng mga itong truck sa kahabaan ng highway ng Sitio Malamawan, Brgy. Lindero, Lauan-an, Antique kamakalawa.
Sa imbestigasyon, kasalukuyang bumabagtas sa lugar ang isang Isuzu Canter truck (FDF 205 ) na pag-aari ni Lauan-an Mayor Aser Baladjay na minamaneho ni Ricaredo Sarona, 56, empleyado ng lokal na pamahalaan ng mangyari ang sakuna.
Nawalan umano ng preno ang truck bunsod upang mawalan ng kontrol sa manibela si Sarona hanggang sa tumagilid ito at tuluyang bumaligtad sa kanang bahagi sa malalim na kanal sa tabi ng highway.
Sa nasabing insidente, tumilapon sa truck ang 25 kataong sakay nito na galing pa sa Brgys. Tigunhao, Tibacan at Lupa-an; pawang sa nasabing bayan para sana makipaglibing sa kanilang yumaong kamag-anak na si Audy Aba.
Ang mga biktima ay unang isinugod sa Bugasong Community Hospital, Antique bago ang mga ito inilipat sa Angel Salazar Memorial Hospital sa San Jose, Antique.
Sumuko naman sa himpilan ng pulisya ang driver ng truck na ngayo’y nahaharap sa kasong kriminal.
- Latest
- Trending