MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng pulisya ang dalawang notoryus na miyembro ng kidnap-for-ransom gang kasunod ng pagkakaligtas sa 2-anyos na kinidnap ng mga itong batang Amerikano sa isinagawang follow-up operations sa Mabalacat, Pampanga kahapon ng umaga.
Ayon kay Sr. Supt. Renato Gumban, Officer in Charge ng PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang nasagip na biktima na tumanggi nitong tukuyin ang pagkakakilanlan sa pakiusap ng pamilya nito ay anak ng US citizen na si Jayvee Woo.
Bandang alas-7:30 ng umaga ng masagip ng mga tauhan ni Gumban ang biktima malapit sa San Lorenzo Church sa Dau, Mabalacat ng lalawigan.
Ang biktima ayon kay Gumban ay kinidnap ng mga maskarado at armadong suspek matapos pasukin ang tahanan ni Woo sa San Fernando City noong Agosto 15 ng taong ito kung saan ay tinangay rin ng mga suspek ang portable vault na naglalaman ng mga mamahaling alahas at ang kulay abong BMW X3 ng pamilya sa kanilang pagtakas.
Samantalang humingi rin ng P50-M ransom ang mga kidnapper kapalit ng pagpapalaya sa bata hanggang sa mapapayag ang mga suspek na inisyal na P250,000.00 muna ang ibibigay na ransom na ide-deliver sa Dau, Mabalacat.
Lingid sa kaalaman ng mga kidnapper ay nakipag-ugnayan na ang pamilya Woo sa mga awtoridad na pumoste sa lugar.
Arestado sa payoff ang suspek na si Michael Roque ng San Carlos City, Pangasinan at nabawi ang bata habang nasakote naman sa follow-up operation ang isa pang suspek na si Rogelio Ramos sa Dau Homesite sa bayan rin ng Mabalacat. Narekober naman ang kinarjack na SUV ni Mr. Woo sa kahabaan ng Friendship highway sa Angeles City.