Pamilya, 5 minasaker ng ama
TUGUEGARAO CITY, Philippines – Pinaniniwalaang may matinding problema sa pamilya kaya minasaker ng 37-anyos na negosyante ang kanyang mag-iina, biyenan at bayaw sa naganap na pamamaril sa loob ng kanilang tahanan noong kasagsagan ng bagyong Gener sa Vigan City, Ilocos Sur Kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay P/Supt. Jojit Javellonar del Prado, hepe ng pulisya ng Vigan City, nagbaril sa sentido at namatay ang negosyanteng si Edwin Espinueva matapos pagbabarilin ang kanyang asawang si Frances Ruela Espinueva, 34; dalawang anak na sina Carla, 16; Samantha, 7; ang biyenang si Esrelita Mendoza, 56; at bayaw na si Jeffrey Mendoza, 30, na pawang nakatira sa Barangay Amianence II sa nabanggit na lungsod.
Dalawang baril (cal. 45 at cal. 38 revolver) ang ginamit ni Edwin sa pagmasaker sa kanyang pamilya, ayon kay P/Senior Supt. Noel Amoyen, Ilocos Sur PNP director.
Nabatid na bago maganap ang krimen ay magkasalo pa sa hapunan ang mag-asawa at dalawang bayaw bago natulog.
Napag-alaman din sa police report na isinagawa ang pagmasaker habang natutulog ang mga biktima kung saan ang bangkay ng biyenan ni Edwin ay natagpuan sa ikalawang palapag ng bahay at ang iba pang bangkay ng mga biktima ay nadiskubre naman sa kani-kanilang kuwarto.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya na kalimitang nag-aaway ang mag-asawa dahil umano sa ibang babae sa buhay ng negosyante bukod pa sa magkabi-kabilang utang kung saan palugi na ang kanilang negosyong noodle house.
Ang bangkay ng apat na biktima ay kinuha na ng biyenang si Jerry pero iniwan ang labi ni Edwin na sinasabing hindi niya maatim na iburol matapos na paslangin ang kaniyang mga anak, dalawang apo at asawa habang patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP. Dagdag ulat ni Artemio Dumlao
- Latest
- Trending