6 bayan, 2 lungsod sa Cavite nasa state of calamity

MANILA, Philippines - Anim na bayan at dalawang lungsod sa Cavite ang isinailalim sa state of calamity dulot ng malaking pinsala ng bagyong Gener na nagbuhos ng malakas na pag-ulan, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat na nakarating sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang sa mga isinailalim sa state of calamity dulot ng mga pagbaha ay ang Bacoor City, Kawit, Noveleta, Ternate, Rosario, Tanza, Naic, at Cavite City.

Nabatid na dumanas din ng water surge ang ilang kabahayan sa baybaying dagat kinabibilangan ng Barangay Mun­ting Mapino sa bayan ng Naic kung saan nawasak ang mga kabahayan  na pinatindi pa ng malalakas na ihip ng hangin.

Pinakagrabe namang naapektuhan ay ang Bacoor City at bayan ng Rosario kung saan umabot sa hanggang dibdib ang mga pagbaha sa mga Barangay Habay Uno at Ligtong 3.

Sa bayan ng Ternate, aabot sa 16-kabahayan na nasa tabing dagat ang winasak ng bagyong Gener.

Samantala, bunga ng insidente ay suspindido rin ang klase sa preschool, elementarya at high school kahapon.

Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods ng lokal na pamahalaan sa mga residenteng naapektuhan. Joy Cantos at Cristina Timbang

Show comments