4 dakma sa pot session sa kulungan

BULACAN, Philippines  – Apat-katao kabilang ang tatlong preso na may nakabinbing kasong kriminal ang muling kakasuhan matapos maaktuhan ng guwardiya sa pot session sa palikuran ng kulungan sa bayan ng San Miguel, Bulacan kamakalawa ng gabi. Panibagong kaso ang muling isinampa ni P/Supt. Leon Victor Rosete sa mga detenidong sina Raymundo Feliciano, 49, ng Brgy. San Jose; Eduardo Gutierrez, 48, ng Brgy. San Juan; Alex Marukot, 40, ng Brgy. Batasang Matanda habang kinasuhan naman ang drug courier na si Donato Dela Cruz, 36, ng Brgy. Paliwasan. Ayon kay PO3 Wilfredo Candelaria, lumilitaw na naipasok ni Dela Cruz ang shabu sa kulu­ngan kaya malayang nag-pot session ang apat. Nabatid na dinalaw ni Dela Cruz ang kanyang kaibigang detenido na si Feliciano kung saan naitago nito ang shabu sa make-up kit kaya naipuslit papasok ng kulungan. Naghinala naman ang guwardiya sa ikinikilos ni Dela Cruz kaya sinubaybayan ang kanyang pagbisita hanggang sa maaktuhan ang apat sa pot session.

Show comments