2 pinatay sa Isabela di magkalaguyo
MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ni Atty. Louie Aseoche na magkalaguyo ang pinaslang na isang mister at ginang sa bayan ng San Mariano, Isabela na napaulat sa pahayagang ito noong Hulyo 15. Bitbit ang police blotter na pirmado ni San Mariano Isabela Chief of Police P/Inspector Godofredo Wasin ay ipinakita nito sa PSN na mali ang napaulat na huli sa aktong nagse-sex ang mga biktima nang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang naka-bonnet na lalaki. Sa halip, nilinaw ni Aseoche na magkasosyo lamang umano sa negosyo ang mga biktimang sina Buenaventura Ancheta, 64-anyos at ang ginang na si Edarlina Rugay Soriano, 45-anyos na pinagbabaril dakong alas-10 ng umaga noong Hulyo 15 sa Brgy. Gangalan, San Mariano ng lalawigang nabanggit. Sa report ng pulisya, kasalukuyang bumibisita sa kaniyang farm ang nasabing mister habang naghahanda naman ng pagkain ang ginang na kausap ang driver ng mga ito na si Nestor Cabbab nang mangyari ang insidente. Iginiit pa ni Aseoche na labis na dinamdam ng pamilya ang lumabas na ulat na umano’y salat sa katotohanan.
- Latest
- Trending