Bahay ni mayor ni-raid
Manila, Philippines - Sinalakay ng mga operatiba ng PNP-Intelligence Group (PNP-IG) at Quezon Police ang pitong bahay ng isang alkalde na nagresulta sa pagkakasamsam ng sari-saring mga armas sa operasyon sa Buenavista, Quezon kahapon ng umaga.
Ayon kay Chief Supt. Charles Calima, Director ng PNP-IG, bandang alas-6:30 ng umaga ng salakayin ng mga elemento ng pulisya ang pitong bahay ni Buenavista, Quezon Mayor Remedios Rivera sa Brgy. Poblacion sa naturang munisipalidad.
Sinabi ni Calima na ang operasyon ay matapos silang makatanggap ng impormasyon hinggil sa pag-iingat ng alkalde ng maraming mga armas kung saan armado ng search warrant na inisyu ni Judge Cesar Mangrobang ay isa-isa nilang sinalakay ang mga bahay ng alkalde.
Gayundin bahagi rin ito ng anti-Private Armed Groups (PAG) campaign ng PNP laban sa mga naglipanang loose firearms o mga baril na walang lisensya.
Ang raid ay nagresulta sa pagkakasamsam ng pitong mga baril na kinabibilangan ng tatlong cal. 45 pistol, isang M16 rifle, dalawang baby armalite rifle at isang 9 MM pistol. Inaalam pa kung lisensyado ang naturang mga baril.
- Latest
- Trending