Pamilya inararo ng SUV

BULACAN, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng batang babae habang malubha namang nasugatan ang apat iba pa matapos na araruhin ng SUV habang tumatawid sa labas ng supermarket sa Barangay Bulihan, Malolos City, Bulacan kamakalawa ng gabi. Hindi na umabot pa ng buhay sa Bulacan Provincial Hospital si Christine Marciano habang sugatan naman ang ina nitong si Editha Marciano, 37; at mga kaanak na sina Angela Marie Marciano, 9; Patricia Nicole Marciano, 8; at si Cecil Marciano, 30, pawang nakatira sa Barangay Panasahan. Pormal namang kinasuhan ang driver ng Mitsubishi Montero na si Danilo Santos, 52, ng Brgy. Bulihan, Malolos City. Bukod sa mga biktima ay sinalpok din ni Santos ang walong sasakyan na nakaparada sa parking area ng supermarket. Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na hindi sanay magmaneho si Santos kung saan natapakan nito ang accelerator imbes na preno ng sasakyan.

Show comments