Manila, Philippines - Tatlo-katao ang inararo ni kamatayan matapos suwagin ng pampasaherong bus ang kasalubong na traysikel sa bayan ng Daraga, Albay kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Bicol Regional Police spokesman P/Supt. Renato Battaler, bandang alas -3:35 ng madaling-araw nang maganap ang trahedya sa kahabaan ng national road sa hangganan ng Barangay Cullat sa nabanggit na bayan.
Kabilang sa mga nasawi ay ang tricycle driver na si Robert Valenzuela; pasahero nitong sina Levi Tolentino at Armando Tonga.
Ayon sa imbestigasyon, binabaybay ng tricycle ni Valenzuela ang kahabaan ng national road nang masalpok ng Daewoo bus na pag-aari ng Leyte Biliran Star. Corp.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nagmistulang lata na nagkayupi-yupi ang traysikel na ikinasawi ng tatlo.
Agad namang tumakas ang driver ng bus na si Samuel Alogbate na tinakbuhan ang kaniyang pananagutan habang isinailalim naman sa kustodya ng pulisya ang konduktor nito.