Sayyaf sub-commander tiklo
Manila, Philippines - Bumagsak sa pinagsanib na elemento ng pulisya at militar ang isang notoryus na sub-commander ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa pagdukot sa isang pari noong 1994 sa isinagawang operasyon sa Isabela City, Basilan kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Samuel Pagdilao Jr. ang nasakoteng suspek na si Jumlie Orie Manjuri alyas Salam Jumli, may patong sa ulong P 350,000.00.
Bandang alas-12 ng tanghali ng maaresto ng mga elemento ng 5th Special Action Battalion, Anti Kidnapping Group, 9th Regional Criminal Investigation Group (RCIDG) at Wing 2 ng Philippine Air Force ang suspek sa Brgy. Cabunbata sa lungsod ng Isabela.
Ayon kay Pagdilao si Manjuri ay isa sa mga pinagkakatiwalaan ni Abu Sayyaf Commander Isnilon Hapilon. Si Manjuri ay sangkot sa pagdukot kay Fr. Clemence William Bertlesman, isang paring Katoliko sa bisinidad ng Asturias Chapel, Jolo, Sulu noong Hulyo 31, 1994.
Samantalang sangkot rin si Manjuri sa madugong engkuwentro noong 1998 sa Lantawan, Basilan na ikinamatay ng 14 miyembro ng Special Forces Operational Course.
Ayon sa opisyal si Manjuri ay sangkot sa serye ng kidnapping for ransom at may nakabimbing warrant of arrest sa kasong kidnapping with frustrated murder, kidnapping at serious illegal detention na dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Isabela City Judge Leo Jay Principe.
Itinurn-over na ang suspek sa kustodya ng 9th RCIDG sa Zamboanga City.
- Latest
- Trending