CAMARINES NORTE, Philippines - Niratrat at napatay ang 41-anyos na kolektor ng pribadong kompanya matapos holdapin ng dalawang di-kilalang kalalakihan sa Purok 4, South Poblacion sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte kamakalawa ng umaga. Sa police report na nakarating kay P/Chief Insp. Samson Belmonte, tatlong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Nona Talento, kawani ng Helen Trading, ng Barangay Awitan sa bayan ng Daet. Lumilitaw na katatapos lamang maningil sa ilang business establishment sa pamilihang bayan nang harangin at inaagaw ng dalawang armadong kalalakihan ang bag ng biktima na naglalaman ng P.7 milyon. Tinangkang lumaban ng biktima kaya pinutukan ito tatlong beses. Pinaniniwalaan namang natiktikan ng mga hodaper ang biktima kaya isinagawa ang krimen.