RIZAL, Philippines – Napaslang ang 36-anyos na misis matapos itong pagsasaksakin at pagtatagain ng kanyang ka-live-in sa loob ng kanilang bahay sa Barangay San Jose sa bayan ng Rodriguez, Rizal. Naisugod pa sa ospital subalit idineklarang patay ang biktimang si Emily Tapere habang nakatakas naman ang suspek na si Temmy Ramos, kapwa nakatira sa Block 1, Lot 87, Phase 1-A, Suburban Village sa nabanggit na barangay. Lumilitaw na kinompronta ng suspek si Tapere kaugnay sa napabalitang may ibang lalaki na nanliligaw sa kanya. Dito nagtalo ang dalawa hanggang sa nauwi sa hamunan ng hiwalayan. Hindi naman pumayag ang suspek na sa halip ay kinuha ang kanyang jungle bolo at pinagtataga ang kinakasama.