Encounter: 2 NPA bulagta, 5 tiklo

MANILA, Philippines - Bulagta ang dalawang rebeldeng New People’s Army habang limang iba pa ang nasakote matapos na makasagupa ng tropa ng sundalo sa Sitio Dinapil, Brgy. Mambog sa bayan ng Botolan, Zambales kahapon ng umaga.

Nakasagupa ng Charlie Company ng Army’s 24th Infantry Battalion ni Lt. Col. Mike Samson ang mga rebelde sa nasabing lugar matapos na makatanggap ng report hinggil sa pangingikil ng mga armadong rebelde sa mga residente.

Dalawa sa mga rebelde ang napatay sa kasagsagan ng putukan na patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan habang lima naman ang nasakote kabilang ang sugatang si Lito Collado alyas Ka Warry na naisugod sa Zambales Provincial Hospital.

Wala namang nasugatan sa panig ng mga sundalo habang itinurn-over naman sa lokal na pulisya ang mga nasakoteng rebelde.

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang dalawang M14 rifles, 2-M16 rifles, 1 shotgun, 1 granada, 2 rifle grenades, mga subersibong dokumento at mga personal na gamit.

Show comments