MANILA, Philippines - Labing-isang rebeldeng New People’s Army kabilang ang tatlong amasona ang iniulat na napaslang matapos na sumiklab ang bakbakan laban sa tropa ng militar sa liblib na bahagi ng Barangay White Cliff sa bayan ng San Narciso, Quezon kahapon ng tanghali.
Ayon kay Col. Bartolome Bacarro, assistant chief for operations ng Army’s 2nd Infantry Division, dakong alas-11:10 ng umaga nang makasagupa ng Bravo Company ng Army’s 74th Infantry Battalion ang mga armadong rebelde sa Sitio Makuyokuyo sa nasabing barangay.
Kinilala ang isa sa napatay na rebelde na si Armando “Ka Jun” Albarillo, kalihim ng Samahang Probinsya ng NPA rebel na kumikilos sa Bondoc Peninsula, Quezon.
Ang sampu pa na pawang narekober ang bangkay ay patuloy na bineberipika ang pagkakakilanlan at pawang nasa ilalim ni Ka Berto at Ka Edel.
Sa ulat ni Army’s 74th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Dennis Perez, nakatanggap ng impormasyon ang military sa pagbaba sa kapatagan ng mga armadong rebelde kaya agad na rumesponde ang mga sundalo.
Dito na sumiklab ang putukan sa pagitan ng magkabilang panig hanggang bumulagta ang 11- rebelde na ang mga bangkay ay inabandona ng mga nagsitakas na kasamahan habang sugatan naman ang sundalong si Pfc Badulid. Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang 5-M16 rifle, M203 grenade launcher, M79 at shotgun.
Gayon pa man, pinaniniwalaang may planong magsagawa ng pag-atake laban sa tropa ng militar at maging sa mga elemento ng pulisya ang pagbaba ng NPA sa kapatagan. Dagdag ulat nina Tony Sandoval at Michelle Zoleta