Driver todas sa Russian roulette

TUGUEGARAO CITY, Philippines  – Isang 36-anyos na driver ang iniulat na nasawi matapos itong mag-Russian roulette sa harap ng kanyang kainuman sa Barangay Malibago sa bayan ng Echague, Isabela kamakalawa. Sabog ang bao ng ulo ni Jesusino Fabro matapos pumutok ang baril na kanyang itinutok sa sentido. Nabatid na nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan. Gayon pa man, isa sa kainuman ang inilabas ang cal. 45 pistol at ipinutok sa ere ng tatlong beses. Sa pag-aakalang rebolber ang baril na puwedeng tumapat sa blankong bola ang firing pin nito, itinutok sa kanyang sentido at kinalabit ang gatilyo sa pang-apat na pagkakataon. Umalingawngaw ang malakas na putok kung saan duguang bumagsak sa hapag ng alak at pulutan ang biktima. Samantala, nawala ang pagkalasing ng mga katoma na natalsikan pa ng dugo ng biktima.

Show comments