LEGAZPI CITY, Philippines – Lima katao ang kumpirmadong nasawi habang walo pa ang nasugatan makaraang aksidenteng suwagin ng isang humahagibis na tren ang isang pampasaherong tricycle habang tumatawid sa riles ng Philippine National Railways (PNR) sa Brgy. San Isidro, Iriga City, Camarines Sur kahapon ng umaga.
Sa ulat ng tanggapan ni Police Regional Office (PRO) V Director P/Chief Supt. Arnie de los Santos, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Danilo Doroteo, 51 anyos, driver ng tricycle; mga anak nitong sina Kimberly, 13; Kent Lester, 12 ; Shiela Sapinoso, 30, guro sa Sta Maria Elementary School at John Richard Rosal.
Tatlo sa mga biktima ay pawang dead-on-the-spot sa insidente habang hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang dalawa pa sa mga ito.
Ang mga nasugatan ay mabilis namang isinugod sa Rinconada Medical Center upang malapatan ng lunas ay sina Mike Villanueva, 15; Hanny Mae Baal, 12; Ronil Rodillas, 13; Loren Legarda, 12; Jessica Barino, 17; Joshua Salamangue, 14; Hanson Baal, 15 at Angelo Zoila, 15 anyos; pawang residente ng lungsod.
Base sa imbestigasyon, naganap ang malagim na trahedya dakong alas-7:10 ng umaga habang ang tricycle na sinasakyan ng mga biktima ay papatawid sa riles ng PNR sa nasabing lugar ng aksidente itong mabangga ng paparating na tren na minamaneho ni Froilan Ollero na galing Metro Manila at patungong Ligao City, Albay.
Karamihan sa mga sakay ng tricycle na lumilitaw na overloaded ay mga estudyante at guro na ihahatid sana papasok sa eskuwelahan at ang tren naman ay tinatayang may lulang 70 pasahero.
Wala umanong ‘signage’ at barandilya sa nasabing riles at hindi napansin ng driver ng tricycle ang paparating na panganib kung saan tuluy-tuloy na sinuwag ang kanilang sasakyan ng dambuhalang tren.