PALAYAN CITY, Philippines – Mariing tinututulan ng mga concerned citizens ng lungsod na ito na gawing dump site o tambakan ng basura na galing sa mga karatig lalawigan at posible ring mula sa Metro Manila ang kanilang lugar.
Sa kanilang sulat-kahilingan kay Palayan City Mayor Romeo Capinpin, ipinaaabot ng mga residente ang kanilang mariing pagtutol na gawing tambakan ng basura ang lungsod ng Palayan. Nabatid na magmumula umano sa iba’t ibang bayan sa probinsiya ng Nueva Ecija o posibleng basura na galing sa Metro Manila ang planong itambak na mga basura.
Pinangunahan nina Edwin Pineda at Gng. Tess Odulio, Chairman at Co chairman, ang mga tumututol na Palayanos sa paglalagay ng dump site sa makasaysayang Brgy. Atate kung saan minsan nang ginanap ang World Jamboree ng Boy Scout at Girl Scout may ilang dekada na ang nakalilipas.
Ayon kay Gng Odulio, nakalagay din doon ang Divine Mercy Chapel, at Divine Mercy Prayer Garden na magiging sentro hindi lamang ng turismo kung hindi ang pagpapalaganap ng pananampalataya na dinarayo hindi lamang ng lalawigan ng Nueva Ecija at maging sa mga karating probinsya.
Sinabi naman ni Pineda na hindi kaunlaran ang kaunting baryang ibabayad ng ipapasok na basura, bagkus magiging sanhi pa ito ng pagbagal ng pag unlad ng lungsod at peligroso pa sa kalusugan.