Jeepney nabagsakan ng puno, 2 dedo
MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi habang anim pa ang nasugatan makaraang mabagsakan ng puno sanhi ng malakas na ihip ng hangin ang isang pampasaherong jeepney sa Antipolo City nitong Miyerkules ng hapon.
Sinabi ni PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director P/ Chief Supt. Leonardo Espina, binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Antipolo Community Hospital ang dalawang babaeng biktima, isa rito ay kinilalang si April Carranto, 20-anyos.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga sugatang sina Lorna Rodriquez, 47; Cynthia Emplamado, 41; Eduardo Cahilig, 61; Lucila Cahilig, 48; Mark Anthony Pelayo, 16 at Alex Vio.
Base sa imbestigasyon, sinabi ni Espina, dakong alas-2 ng hapon habang bumabagtas ang pampasaherong jeepney (NTM-206 ) na minamaneho ni Ricardo Reillo, 42 sa kahabaan ng Sumulong Highway, Brgy. de la Paz patungo sa Masinag Junction ng lungsod nang maganap ang insidente.
Gayunman ay biglang humangin ng malakas kung saan ilang puno ang nabuwal sa tabi ng kalsada at isa rito ay tumama sa bumabagtas na pampasaherong jeepney na ikinasawi at ikinasugat ng mga biktima.
- Latest
- Trending