P76.9-M ari-arian sa itatayong airport, sinunog

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines  – Tinatayang aabot sa P76.9 milyong halaga ng ari-arian ang sinabotahe ng mga rebeldeng New People’s Army makaraang salakayin ang itinatayong international airport kung saan dalawang sundalong ng Phil. Army ang nasugatan sa bayan ng Daraga, Albay noong Bi­yernes ng gabi.

Kinilala ni Army’s 9th Infantry Division spokesman Major Angelo Guzman ang mga nasugatang sundalo sa mga apelyidong Pfc Gapayao at Pfc Cornal na kapwa nakatalaga sa Army’s 2nd Infantry Battalion.

Bandang alas-9:35 ng gabi nang lusubin ng mga armadong rebelde ang construction site ng international airport sa Barangay Alobo.

Aabot sa milyong halaga ng heavy equipments ng Sunwest Construction Corp. na pag-aari ng negos­yanteng si Zaldy Co ang sinunog ng mga rebelde.

Hinaras din ng grupo ng mga rebelde ang detachment ng Philippine Army na nagbibigay proteksyon sa naturang construction site.

“Our  soldiers were able maneuver and repulse the rebels,” ayon kay Col. Arthur Ang, commander ng Army’s 901st Infantry Brigade sa Albay.

Ayon naman kay Gov. Joey Salceda na hindi maaantala ang pagpapatayo ng airport kahit na sinunog ang mga kagamitan ng contractor dahil ito ay bahagi ng pag-unlad ng Bikolandia at lalong babantayan ito ng mga sundalo.

Ayon pa sa opisyal na ang pagmamatigas ng private contractor ng international airport na magbayad ng revolutionary tax sa mga rebelde ang isa sa motibo ng pag-atake.

Show comments