MANILA, Philippines - Tatlo-katao ang kumpirmadong napaslang matapos ratratin ng 35-anyos na negosyanteng iniwan ng kanyang ka-live-in sa naganap na amok sa bayan ng Alaminos, Pangasinan kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga napatay ay sina Sonny Boy Asia, 19; John David Almanzur, 14; at si Welcyn Palecpec na pawang nakatira sa Barangay Bisocol sa nabanggit na bayan.
Samantala, pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Aaron Mansungayan, tubong Marawi City at residente sa nasabing barangay.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-9:25 ng gabi nang mag-amok ang suspek matapos na mabatid na nilayasan na siya ng kaniyang ka-live-in na si Marife matapos mabatid ang kaniyang pambababae.
Nabatid na tinangkang barilin ng suspek ang utol ng kanyang ka-live-in na si Gilbert subalit nagawa nitong pumalag.
Lumabas ng bahay ang suspek at nagtungo sa tindahan kung saan walang habas na nagpaputok ng baril hanggang sa mapatay ang tatlong biktima na nakatayo lamang sa nasabing lugar.
Narekober naman sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng cal. 45 pistol at tatlong depormang slugs.