Day of Mourning sa Butuan City
MANILA, Philippines - Nagdeklara kahapon ng ‘Day of Mourning’ ang lokal na pamahalaan ng Butuan City matapos masunog ang 3 storey commercial building na kumitil sa buhay ng 17 katao kamakalawa ng madaling araw.
Sa ulat na ipinarating kahapon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang Day of Mourning ay base sa nilagdaang Proclamation No. 2 ni Butuan City Acting Mayor Lawrence Fortun.
Samantalang naka-half mast din ang mga bandila ng lungsod bunga ng delubyo sa sinapit na trahedya ng mga biktima mula sa building na inookupa ng Novo Jeans and Shirts Store, Smart Wireless Center, Western Union, St. Peter Plan Inc., Cherry Mobile Store, Digi life at ang Empress Badminton Center.
Noong madaling araw ng Miyerkules ay nasunog ang nasabing dept. store kung saan nasawi ang 17 kawani at mga saleslady ng Novo Jeans and Shirts na stay-in sa ikatlong palapag ng gusali.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon ng Butuan City Fire Marshal na hindi naisyuhan ng Fire Safety Inspection Certificate ang nasabing gusali na pag-aari ng negosyanteng Tsino base sa rekord na naitala noong Marso 22, 2012.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Rogelyn Mantubacan,Jonalie Amor, Judelyn Ore, Villa Rose Dumagpi, Ellenie Ocoy, Prences Grace Sayre, Anniejoy Lagura, Mylyn Lirazon, Pengky Despolo, Jessie Dayuja, Princess Mae Figueras, Irene Baliquig, Hazel Cabaña, Liezel Dalaygon, Jeba Salbigsal, Maribel Buico at si Gladys Hope Sabila.
Samantalang ang mga survivors na nagtamo ng 3rd degree burns ay tumalon mula sa nasusunog na gusali na sina Mylene Tolo, Grace Canoy at Vicky Velez.
Umaabot naman sa P30 milyong halaga ng ari-arian ang naabo habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest
- Trending