Pulis utas sa shootout vs holdaper
QUEZON, Philippines - Napatay ang isang alagad ng batas matapos makipagbarilan sa grupo ng mga holdaper kamakalawa ng hapon sa Barangay Angeles sa bayan ng Atimonan, Quezon.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan si PO3 Francisco Villania, miyembro ng Atimonan PNP habang sugatang naisugod sa Quezon Medical Center sa Lucena City ang isa sa mga sinasabing holdaper na si Arturo Jurado.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Valeriano de Leon, hinoldap ng limang kalalakihan ang convenience store sa Brgy. Angeles Zone 2.
Natiyempuhan naman nina PO2 Benito Reyes at PO3 Villania na nagpapatrolya sa nasabing lugar ang papatakas na mga holdaper kaya nagkaroon ng habulan at nauwi sa shootout.
Dito na tinamaan at bumulagta si PO3 Villania habang nasakote naman ang dalawang holdaper na sina Miguel Millas at Almer Encina.
Narekober naman sa pinangyarihan ng shootout ang Uzi submachine gun na may 16 bala, cal. 38 revolver na may apat na bala, 5-cellular phone, P1,300 cash at ang traysikel (2760 DX) na ginamit ng mga holdaper.
Samantala, ginawaran kahapon ng ‘posthumous promotion’ ni PNP Chief P/Director General Nicanor Bartolome ang bayaning pulis na si PO3 Villania na napatay sa engkuwentro vs holdaper sa bayan ng Atimonan, Quezon.
“There is always a hero in each and every policeman,” ani Bartolome na inatasan na ang Directorate for Personnel and Records Management para pabilisin na ang proseso ng mga benepisyo ni PO3 Francisco Villania.
Si Villania ay itinaas sa susunod na ranggo bilang Senior Police Officer 1 bilang pagkilala sa ipinakita nitong katapangan at kabayanihan sa pakikipagsagupa sa grupo ng mga armadong holdaper.
- Latest
- Trending