CEBU CITY, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang walong pulis makaraang magpositibo sa bawal na droga sa isinagawang sorpresang drug test ng Cebu City Police Office (CCPO) sa Camp Sotero Cabahug sa Gorordo Avenue, Cebu City, Cebu kamakalawa.
Lumilitaw na 26 pulis mula sa iba’t ibang presinto ang pinapunta sa nasabing kampo para dumalo sa seminar subalit lingid sa kanila ay isasailalim sila sa drug test.
Ayon pa sa ulat, ilang pulis na naantala sa pagdating sa nasabing kampo ay tinangkang umiwas matapos mamataan ang drug test kits subalit hinadlangan sila ng mga opisyal.
Nabatid din sa ulat na sasailalim sa imbestigasyon ang tatlong pulis na hindi dumalo matapos matunugan ang drug test imbes na seminar.
Pansamantalang hindi muna isiniwalat ang pagkakakilanlan ng walong pulis habang hinihintay ang resulta ng confirmatory test sa susunod na linggo, ayon kay P/Senior Insp. Mary Sheila Atienza, Crime Laboratory forensic chemist.
Ayon kay CCPO director Melvin Ramon Buenafe, sakaling mapatunayang positibo sa bawal na droga ang walong pulis sa confirmatory tests sasailalim sila sa imbestigasyon at pre-charge proceedings.
Samantala, bilang halimbawa sa kapulisan ay boluntaryong nagpa-drug test sina Cebu City Police Office Director Melvin Ramon Buenafe together with P/Supt. Rey Tiempo, hepe ng CCPO operations branch; Renero Augustin, hepe ng Anti Illegal Drug Special Operation Team; at si Talamban PNP Station Chief Michael Beltran.