Innova vs tren: 3 patay, 9 grabe
QUEZON, Philippines - Nauwi sa trahedya ang biyahe patungo sa bakasyon ng isang pamilya matapos na mahagip at makaladkad ng tren ang kanilang sinasakyang Toyota Innova kung saan nasawi ang tatlo-katao habang siyam naman ang malubhang nasugatan sa Barangay Masin Sur, Candelaria, Quezon kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga nasawi na nagtamo ng grabeng kapinsalaan sa ulo at katawan ay sina Nancy Carasig, 40; Paula Carasig, 17; at si Nicole Quesea, 5 na pawang nakatira sa bayan ng Bacoor, Cavite.
Samantala, nakikipaglaban naman kay kamatayan sa United Candelaria Doctors Hospital sina Jonathan Domingo, 46; driver, ng Caloocan City; Cheska Oliquiano, 23; Cyle Oliquiano; Angelo Oliquiano, 20; Nathaniel Marti, 4; Cedrick Nicolo Marti, 2; Gabriel Oliquiano, 21; Edwin Carasig at si Jose Marilos, 20.
Sa inisyal na ulat ni P/Supt. Arsenio Bantayan kay Quezon PNP Provincial Director P/Senior Supt. Valeriano de Leon, dakong alas-5:25 ng umaga nang maganap ang trahedya.
Lumilitaw na patungo sa Bicol ang Toyota Innova (ZDH-485) na minamaneho ni Domingo at lulan ang magkakamag-anak nang magpumilit itong sumingit sa riles kung saan parating naman ang train na may body number 111 na inooperate ni Dennis Ramos ng Laguna.
Napag-alamang nakahinto na ang ilang sasakyan kabilang na ang dalawang bus na ilang metro ang layo sa riles ng tren ay nagmamadaling nag-overtake ang sasakyan ng mga biktima.
Sa pahayag naman ng ilang nakasaksi sa insidente, sinubukang pahintuin ng flagman sa riles ang driver ng Toyota Innova subalit hindi ito pinansin at tumuloy pa rin sa pagtawid sa riles.
Tuluy-tuloy itong sinuwag ng tren na tumama sa kaliwang bahagi ng Innova kung saan umabot pa ng 15-metro ang pagkakaladkad dito. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending