Mister inakalang ibon binoga ni misis, utas
MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa 66-anyos na mister matapos mabaril ng kanyang misis sa pag-aakalang ibon sa naganap na bird shooting sa kanilang bakuran sa Mandaue City, Cebu noong Sabado ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Ernesto Zambo, 66, ng Barangay Alang-Alan at tiyuhin ni Cebu Provincial Board Member Ian Zambo.
Ang biktima ay nasawi habang sumasailalim sa operasyon sa Chong Hua Hospital dahil sa tama ng bala sa tiyan mula sa air rifle na ginagamit sa ‘bird shooting’.
Nahaharap naman ngayon sa kasong kriminal ang misis na si Tita Zambo, 47.
Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-5:20 ng hapon noong Sabado habang namamaril ng ibon ang mag-asawa sa kanilang bakuran nang aksidenteng mabaril ni misis ang kaniyang matandang asawa na inakala nitong ibon matapos na may kumaluskos sa likuran ng kanilang halamanan.
Lumilitaw na nakayuko ang biktima sa pangha-hunting ng ibon kaya hindi ito napansin ng misis na nasapul ng tama ng bala sa kaniyang tiyan at duguang bumulagta ang kanyang mister.
Ayon kay P/Insp. Ramil Morpos ng Mandaue City PNP, agad humingi ng tulong sa Emergency Response Unit Foundation si Tita upang dalhin sa Chong Hua Hospital si Ernesto subalit makaraan ang isang araw ay namatay ito.
Nilinaw naman ng kamag-anak na walang foul play sa pagkakabaril ni Tita sa kanyang mister dahil walang namamagitang away sa mag-asawa na kapwa malambing sa isa’t-isa.
- Latest
- Trending