Konduktor tinodas ng holdaper

PIKIT, North Cotabato, Philippines – Napatay ang konduktor ng Weena Bus Co. matapos barilin ng isa sa apat na kalalakihang hodaper sa highway ng Pikit, North Cotabato kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Insp. Elias Dandan, hepe ng Pikit PNP, ang nasawi na si Nasser Dima, konduktor ng Eric Bus na may body number XXV na may rutang Cotabato-Davao.

Nabatid na apat na kalalakihan na nagpanggap na pasahero ang nagdeklara ng holdap pagsapit sa may Sitio Mahad, Barangay Fort Pikit kung saan nilimas ang mga gamit at cash ng mga pasahero, maging ang koleksyon ni Dima.

Pinababa pa ng mga suspect ang konduktor saka niratrat kung saan napuruhan sa dibdib.

Ayon sa kaanak ng biktima, matagal na raw may banta sa buhay na natatanggap ang konduktor.   

Napag-alamang nakita pa umano ng sundalo ang pagbaril ng mga suspek sa biktima pero ‘di-raw nakapagresponde dahil nag-iisa lang ito.  

Ayon kay SPO2 Teng Dimapalao, ang nasabing lugar na pinangyarihan ng krimen ay may 400-metro lamang ang layo sa detachment ng composite team ng Army at CAFGU ng 7th Infantry Battalion.

Show comments