Kumander ng NPA nagpanggap na baliw sa presinto, bistado
MANILA, Philippines - Isiniwalat kahapon ng militar na isang kumander ng mga rebeldeng New People’s Army sa Kabikulan ang naarestong holdaper noong Martes kung saan nagpanggap na baliw sa presinto ng pulisya sa Calamba City, Laguna.
Lumitaw sa tactical interrogation ng mga tauhan ni Col. Ivan Samarita ng Army’s 202nd Infantry Brigade na ang suspek na si Daniel Frias na gumamit na alyas Henry Aguenza ay tumatayong kalihim ng CPP/NPA, ISLACOM-Catanduanes.
Si Frias, kasama ang babaeng si Alicia Cenon ay nasakote ng pulisya matapos holdapin ang taxi driver na si Roger Salvoro ng Malabon City sa highway ng Calamba City noong Marso 27 ng tanghali. Gayon pa man nakahingi ng tulong si Salvoro sa mga traffic enforcer kaya nadakma ang mag-lover na holdaper.
Nabatid na sina Frias at Cenon ay sumakay ng taxi sa Cubao, Quezon City at magpapahatid sana sa Naga City matapos magkasundo na halagang P5,000 pero nasiraan ang sasakyan pagsapit sa Calamba City hanggang sa maganap ang holdapan.
Sa presinto ay nagpanggap na baliw ang dalawa upang makaiwas sa asuntong kinakaharap pero hindi nakalusot sa mga imbestigador ng pulisya.
Nasamsam sa dalawa ang isang laptop at 10 cell phones kung saan sinasabing si Frias ay may nakabinbing warrant of arrest sa mga kasong murder with assault at murder with direct assault sa Virac Regional Trial Court Branch 42 sa Catanduanes.
- Latest
- Trending