6 DENR agent tiklo sa extortion

BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng anim na kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sinasabing nangingikil ng malaking halaga sa may-ari ng pabrika ng taho sa isinagawang entrapment operation sa bayan ng Marilao, Bulacan kahapon.

Kinilala ni P/Supt. Gerardo Andaya ang mga suspek na sina Ernie Cruz ng Brgy. Tugatog, Malabon City; Cenon Robles ng San Mateo, Rizal; Rodelio Nolasco ng Brgy. San Pascual, Obando; Julius Valero ng PNR Compound, Samson Road, Caloocan City; Ferdinand Payumo ng Silverio Compound, Sucat, Parañaque City; at si Josefino Seña ng Brgy. Panghulo, Malabon City.

Base sa ulat ng pulisya, lumilitaw na nagsadya ang mga suspek sa kompanyang pag-aari ni Helen Ho sa Barangay Sta. Rosa 1 kung saan sinasabing tinatakot ang babaeng katiwala ni Ho dahil walang maipakitang Environmental Compliance Certificate.

Dahil sa takot na maipasara ang kompanya ay nakipagkasundo ang katiwala sa P.1 mil­yong hinihingi ng mga suspek.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nakipag-ugnayan ang katiwala sa mga operatiba ng pulisya kung saan ikinasa ang entrapment operation.

Naaresto ang mga suspek sa aktong tinatanggap ang ini­syal na kabayarang P8,000 kung saan kinumpiska rin ng pulisya ang Mitsubishi Adventure (ZMJ887) na ginamit ng mga suspek sa kanilang modus operandi.

Show comments