MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng tatlong sibilyan habang apat iba pa ang nasugatan matapos masunog ang ilang kabahayan sa Barangay Poblacion Pardo sa Cebu City, Cebu kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Rosalie Tagacanao, 30; Rap Dolalia, 12; at isang mister na hindi natukoy ang pagkakakilanlan habang naisugod naman sa ospital ang mga sugatan
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang sunog dakong alas-9:58 ng umaga sa Upper Luisimba kung saan aabot sa 22 kabahayan ang tinupok ng apoy.
Nabatid na ang apoy ay sinasabing nagmula sa pabrika ng yantok kung saan mabilis na kumalat sa kalapit na bahay na gawa sa mahihinang uri ng materyales.
Gayon pa man, naapula naman ang sunog matapos na magresponde ang mga bumbero.
Sa tala, ang naganap na sunog ay ikaanim sa buwang ito na Fire Prevention Month kung saan noong Biyernes ay aabot sa 2, 170 katao ang nawalan ng tahanan sa naganap na sunog sa Barangay Suba.