Ambush: Army officer utas
MANILA, Philippines - Isa na namang Army officer ang napatay matapos tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang nagsasagawa ng peace and development project sa liblib na bahagi ng Barangay Tuyom sa bayan ng Cauayan, Negros Occidental kamakalawa ng tanghali. Kinilala ni Captain Reylan Java, spokesman ng Army’s 3rd Infantry Division ang napaslang na si 2nd Lieutenant Jose Angelo Esguerra.
Lumilitaw na patungo ang tropa ng 47th Infantry Battalion ni Esguerra sa Barangay Basak para sa peace and development project nang ratratin ng mga rebeldeng nakaposisyon.
Hindi naman nasiraan ng loob ang mga kasama ng sundalo ni Esguerra na nakipagpalitan ng putok sa umaatakeng mga kalaban.
Tumagal ng limang minuto ang bakbakan bago nagsitakas ang mga rebelde kung saan nagawa pang maisugod sa Kabankalan Doctors Hospital si Esguerra subalit idineklarang patay.
Narekober naman sa pinangyarihan ng engkuwentro ang backpack na naglalaman ng mga subersibong dokumento, bandoleer na may apat na magazine, 5- bala at Granada.
- Latest
- Trending