6 bulagta sa holdapan

MANILA, Philippines - Lima-katao kabilang ang isang pulis at dalawang holdaper  ang iniulat na nasawi sa naganap na holdapan na nauwi sa shootout sa Panabo City, Davao del Norte kahapon ng hapon.

Sa ulat ni Panabo City PNP director P/Supt. Marvin Manuel Pepino, isa sa mga nasawi ay ang hepe ng Intelligence Unit na si P/Senior Inspector Rene Alampay, na napuruhan ng tama ng bala sa ulo.

Kabilang din sa mga napatay ay ang dalawang holdaper, isa rito ay si Dexter Marcellones, Edgard Mocos, security guard ng Yidong Agricultural Supply na pag-aari ng Tsinoy trader na si Leo Apali Lai, 28, at driver nitong si Allan Jones Polo habang inaalam pa ang pangalan ng nasawing babae.

Isinugod naman sa Rivera Hospital ang sugatang biktima na si Darios Pilotos, warehouseman ni Lai.

Bandang alas-12:15 ng tanghali nang pasukin ng riding-in-tandem ang Yidong Agricultural Supply kung saan binaril at napatay ang guwardiya sa Brgy. Cagangohan.

Nadamay naman sa insidente ang isang babae na bisita na sinasabing hinostage sa pamamaril ng mga holdaper.

Rumesponde naman ang pulisya kung saan hinabol ang mga holdaper hanggang sa nauwi sa shootout. Sa kasagsagan ng putukan ay napatay ang dalawang holdaper at ang hepe ng intelligence unit na si Alampay. Narekober ang dalawang cal. 45 pistol at nabawi rin ang P.9 milyon na tinangay ng mga holdaper mula sa nasa­bing establisyemento.

Show comments