MANILA, Philippines - Milyong halaga ng ari-arian ang napinsala matapos sunugin ng mga rebeldeng New People’s Army ang 5-heavy equipment ng construction company na may proyekto sa Tarlac-Pangasinan-La Union Toll Expressway sa Tarlac City kamakalawa ng gabi. Base sa ulat ni P/Senior Supt. Alfredo Corpus na nakarating sa Camp Crame, sinalakay ng mga armadong kalalakihan ang R.D. Policarpio and Co., Inc sa Barangay San Miguel. Walang nagawa ang guwardiya, mga kawani at trabahador ng construction firm sa matinding takot sa mga armadong rebelde. Binuhusan ng gasolina ang tatlong backhoe, crane at grader saka sinilaban saka nagsitakas ang mga rebeldeng nagpaputok ng baril sa ere. Pinaniniwalaan namang pangingikil ng revolutionary tax ang isa sa motibo ng mga rebelde sa panununog.