Nurse dedo sa snatcher

MANILA, Philippines - Napaslang ang isang Filipino–Chinese nurse makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem nang pumalag sa mga snatcher na pilit na inaagaw ang bag nito sa Barangay Paciano Bangoy, Davao City kahapon ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Marjorie Kwan, 23, isang rehistradong nurse sa nasabing lungsod.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente habang pauwi na ang biktima sa RGA Village dakong alas-11:30 ng umaga nang sumulpot ang dalawang lulan ng motorsiklo.

Pagtapat sa biktima ay agad na hinablot ng backrider ang bag ng biktima pero pumalag ang nurse na nakipag-agawan.

Dahil dito ay agad na pinagbabaril ang biktima na nagtamo ng apat na tama ng bala sa braso, dibdib, ulo at likurang bahagi ng katawan.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek tangay ang bag na inagaw sa biktima patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Show comments