18-anyos lunod sa flashflood

MANILA, Philippines - Isang 18-anyos na babae ang iniulat na nasawi matapos tangayin ng rumaragasang tubig-baha sa Buhi Lake sa Barangay Calbaryo sa bayan ng Buhi, Camarines Sur kamakala­wa. Sa ulat ng National Di­saster Risk Reduction and Management Council kahapon, kinilala ang biktima na si Lilia Alarcio habang nawasak din ang ilang bahay. Nabatid na tumatawid sa nasabing ilog ang biktima nang tangayin ng malakas na agos kung saan narekober naman ang bangkay nito matapos na lumutang ilang oras. Samantalang maliban sa mga pagbaha sa Camarines Sur ay sinalanta rin ng tubig-baha ang mga bayan ng Dagami, Tanauan at Pastrana sa lalawigan ng Leyte. Base sa tala, aabot sa 13 pamilya (75 katao) ang inilikas dulot ng tubig-baha sa Barangay Tacuranga, sa bayan ng Palo, Leyte habang patuloy naman ang monitoring ng NDRRMC sa mga binahang lugar.

Show comments