Legazpi City ,Philippines – Sinunog ng mga armadong miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang isang pampasaherong bus sa naganap na karahasan sa kahabaan ng highway ng Brgy. Cagbacong sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Army’s 9th Infantry Division (ID) Spokesman Major Angelo Guzman, pasado alas -7:30 ng gabi ng maganap ang panununog ng mga rebelde sa isang Silver Star bus na galing Bulan, Sorsogon na biyaheng Maynila.
Sinabi ng opisyal na ilan sa mga rebelde ay nagpanggap na pasahero ng bus na sumakay sa stopover sa terminal nito sa Sorsogon City kung saan pagsapit sa pagitan ng Brgy. Cumadcad at Sogoy sa bayan ng Castilla, Sorsogon ay inilabas ang kanilang mga baril at nagpakilalang mga NPA.
Inatasan ng mga rebelde ang driver ng bus na dalhin ang behikulo sa Brgy. Cabagcong at dito’y naglabasan ang iba pa nilang mga armadong kasamahan na nagtatago sa masukal na bahagi sa tabi ng highway.
Agad ng mga itong pinababa ang mga pasahero saka driver at konduktor saka binuhusan ng gasolina ang bus hanggang sa magliyab at maabo. Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na pangingikil ng revolutionary tax ang motibo ng panununog.